Hanggang kailan Kabayan?
Hanggang kailan ka magpapa-alipin sa ibang bayan?
Hanggang kailan mo titiisin ang insulto sa iyong kakayahan?
Na pagkatapos mong mag-aral sa unibersidad
Ikaw ay mangingibang bansa para maging alipin lamang!
Hanggang kailan kabayan?
Hanggang kailan mo titiisin na malayo ka sa mga mahal mo sa buhay?
Hanggang kailan ka hihintayin ng iyong mga anak?
Na sa katagalan, hindi na matandaan o maalala ang araw
na sila’y iyong yakapin
at halikan
Habang ikaw ay luhaang nagpapaalam
para makipagsapalaran
sa malayong lugar!
Hanggang kailan kabayan?
Hanggang kailan sarili mo ay dadamutan?
Dahil iyong iniisip na maraming nangangailangan,
At umaasa
ng iyong ipapadalang dolyar!
Hanggang kailan mo rin maiiwasan
Ang maraming tukso
sa iyong kapaligiran?
Na dahil sa pangungulila at problema
ay nagiging marupok
kung minsan!
Hanggang kailan kabayan?
Hanggang kailan ka aalipinin ng iyong kahirapan?
Kahirapan na bunga ng kasakiman
Ng mga kapatid nating
iniluklok sa upuan ng kapangyarihan!
Kahirapan- na bunga ng kawalanghiyaan
Ng mga kapatid
nating salot sa bayan!
Kahirapan- na sanhi ng hindi natin pagkakaisa at pagtutulungan!
Ahhh…… Kabayan….
Napakabigat ng dinadala mong responsabilidad!
Hanggang kailan ka magsasakripisyo?
At kailan kaya ito magwawakas?
(This was published in different my blogs in the internet, but was all removed when the websites
upgraded due to competitions. This is now found in Definitely Filipino as my guest entry,
but I wanted to share it here for the others who would like to read about it.)
No comments:
Post a Comment