Bago ako umuwi noong 2010,
namasyal muna ako sa kaibigan ko sa Tel-Aviv.
At siyempre, inuman, pulutan, at kuwentuhan.
Sa aming kuwentuhan ay nabanggit namin ang tungkol sa
buhay Pilipinas. Magmula sa klase ng
buhay, trabaho, kurapsyon sa gobyerno, at klase ng batas sa Pilipinas na kung
saan medyo tumagal ang mga palitan namin ng mga kuro-kuro kagaya ng disiplina
ng mga tao pagdating sa pagpapatupad at pagtupad sa batas.
Habang pinag-uusapan namin ang batas ng Pilipinas, di
naiwasan na maikumpara namin sa batas sa Israel at kung papaano ito itinuturo
sa eskwelahan, at kung papaano ito sinusunod ng mga mamamayan.
Syempre pagdating sa ugaling
Pilipino tungkol sa pagsunod ng mga tao sa batas para sa ikabubuti ng lahat ay
puro batikos ang inabot sa amin. Pero
hindi naman lahat ay masama ang sinabi namin. Natutuwa nga kami na
pinagkuwentuhan kung papaano nakakalusot ang mga mamamayan sa kanilang
katigasan ng ulo, at kawalang hiyaan, na dahil makatao daw ang mga nagpapatupad
ng batas ay pikit mata na lamang na pinababayaan na yurakan at ipagwalang
bahala ng mga tao ang mga nakasulat na batas pantao.
Pero ng ikumpara namin sa
batas ng Israel – kung papaanong ipinapatupad nito ang mga alituntunin na
walang pinipili, kahit sino pang mataas na tao sa kanilang gobyerno, ay abot
langit ang aming pagsaludo at respeto sa bansa.
Na kahit maliit ay malakas siya at kinatatakutan ng malalaking bansang
Muslim.
Dito naikuwento sa amin ni
Pareng Noel ang tungkol sa apat na taong gulang na anak na babae ng kumpare
niya.
Isang hapon ng biyernes na
kung saan nag-umpisa na ang araw ng Shabat o Sabado sa mga Hudyo ay naganap ang
isang pangyayari, kung saan talaga namang nakakabilib ika nga para sa isang
batang apat na taong gulang lamang na alam sundin ang batas.
Ayon sa kuwento ni pareng Noel, umuwi daw ang
mag-anak galing yata isang kasiyahan sa parke o sa isang apartment ng kapwa Pilipino
din. Sila ay nagmamadali sa paglalakad dahil
may mga bitbit at kargadang medyo mabigat na kaldero at lamisa na ginamit. Narating
nila ang krosing na may mga ilaw pangtrapiko. Sa kabila ng kalsada ay ang
kanilang flat. Tamang-tama na pagdating
nila sa krosing ay pumula ang ilaw.
Pero dahil nag-umpisa na ang
Shabbat, halos wala ng sasakyan na dumadaan. Kung meron man, ay mga sasakyan na
lamang ng mga hindi relihiyoso, o mga palestiniyan, at ibang lahi na may
sasakyan. Dahil bakante ang kalsada at
walang sasakyan na dumadaan pagdating nila doon, ang ginawa ng mag-asawa ay
dumaan sila kahit nakapula ang ilaw. Sa
pagmamadali, di nila napansin na nagpaiwan pala ang kanilang anak na sumusunod
sa kanila sa gilid ng krosing.
Dahil sa kabila lang naman ng
krosing ang kanilang apartment ay madali silang nakarating. Pero medyo hiningal sa pag-akyat sa ikalawang
palapag na flat nila. Pag-upo nila
napansin nila na wala pa yong kanilang anak.
Kaya nagtanungan sila kung nasaan ang kanilang anak.
Habang sila ay nasa ganoong
situwasyon na nagtatanungan, bumukas ang pintuan at saka biglang bumalibag sa
pagsara. Imbes na matuwa silang
mag-asawa dahil dumating ang kanilang anak at wala na silang pagtatalunan, sila
ay natulala at natahimik na parang mga bata na pinagsasabihan ng mas matanda sa
kanila.
Kasi daw, sabay sa pabalibag
na pagsara ng kanilang anak sa pintuan ay galit na galit itong nagsesermon, sabay
nakapamaywang ang isang kamay at umaaksyon ang isang kamay, at ang sabi ay, “Lama,
lama ima, aba? Lama? Si adom….adom…!”(Bakit, bakit nanay, tatay? Bakit? Pula, pula…!”) ang sigaw daw sa
pautal-utal niyang hebro na salita. Kahit hindi nakumpleto ng anak nila ang mga
sinasabi ay naintindihan nila na siya ay nagalit dahil lumiban sila sa krosing
kahit pula ang ilaw. Ito kasi ay
itinuturo sa mga bata sa kanilang pinapasukan na Gan Yeladim o Daycare Center.
At dahil alam nilang sila ay mali ay tumahimik na lang sila at nangako na hindi
na nila iyon uulitin.
Natawa kaming mga nakikinig,
pero alam namin na iyon talaga ang dapat gawin.
Ang sumunod sa batas. Lalo na sa
ating mga magulang dahil tayo ang mga tinutularan ng ating mga anak.